Kinuhanan ko ang larawan sa itaas kahapon para isali sa patimpalak sa potograpiya. Nang makita ko ang larawan, naisip kong magsulat tungkol rito. :D
Anu-ano nga ba ang mga klase ng isda na karaniwang makikita sa pamilihan natin? Marahil kung ikaw ang laging naatasan sa pamamalengke, napakadali sa iyo ang magbigay ng mga halimbawa. At kung ikaw naman ang laging naatasang magluto, madami ka ring alam na luto o putahe para nga iba't ibang uri ng isdang nakakain.
Ang mga sumusunod ang ilang mga karaniwang isdang makikita sa mga pamilihan sa Pilipinas.
Dilis: Ito ay maliit na uri ng isda na kulay pilak. Patulis ang anyo at mahuhuli sa tubig alat. Mga halimbawa ng luto ay ukoy na dilis at kinilaw. Ang binilad na dilis ay pwedeng prituhin at isahog sa munggo.
Photo source
Tamban: Isdang maraming tinik at makaliskis. Nahuhuli sa mababaw na parte ng karagatan. Uri ng isda na kilala na ginagawang de latang pagkain o sardinas.
Photo source
Galunggong: Isdang may mabilog na tyan at isa sa mga pinaka karaniwang makikita sa pamilihan. Mahuhuli sa malapit sa pampang na parte ng dagat. Karaniwang luto rito ay prito at maaari ring gawing tinapa o pinausukang isda.
Bangus: Isdang maaring mahuli sa tubig alat or tabang. Medyo matinik na uri ng isda at isa sa mga simbolo ng bansa. Sikat na lutin gamit ito ay ang sinigang na bangus. Pwede ding gawing dinaing na bangus o kaya ay tinapa.
Photo source
Tilapia: Isdang mas malalaki ang tinik/buto kung ikukumpara sa ibang isdang nakakain. Karaniwang isdang pinaparami sa mga lawa o tubig tabang, maaaring mamuhay din sa tubig alat. Madalas na luto ay prito. Masarap din ang lutong may gata dito at paksiw.
Photo source
Dalagang Bukid: Uri ng isda na malaman at may kulay na mapula pula. Malinamnam ang lasa na karaniwan ding ipiniprito o lutong sweet and sour.
Photo source
Alumahan: Isdang nahuhuli sa tubig alat sa mga baybaying dagat. Hindi makaliskis at karaniwang luto ay prito at paksiw.
Photo source
Tambakol: Ito ay isang uri ng tuna na nakakain. Karaniwang nahuhuli sa malalalim na parte ng dagat. Ginagawa ding de lata ang isdang ito. Masarap na iluto sa gata o kahit na iprito lamang.
Photo source
Lapu-Lapu: Isdang karaniwang nahuhuli sa malalim na parte ng karagatan. May kulay na mapula pula at may maliit na bibig. Ilang putahe gamit and isdang ito ay escabeche at sweet and sour.
Photo source
No comments:
Post a Comment